Matutunghayan sa Malikhaing Pagsulat ang panimulang pag-aaral tungkol sa iba’t ibang genre ng malikhaing pagsulat, kung saan tampok ang paglinang ng kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa pag-unawa sa mga pangyayaring panlipunan, gayundin ang pagsusuri sa mga ito upang maging mas matalim sila para sa kanilang mga tula, maikling kuwento, at dula. Tampok din ang paglinang sa kanilang kakayahang makita ang halaga ng mawat pangyayari at danas ng bansa sa paghubog ng kasaysayan at lipunan at kung paano ito naitatala ng mga malikhaing akda, at mula rito ay paunlarin ang kakayanan nilang maunawaan at magamit nang wasto at husto ang wika sa pinakamataas nitong antas.
Magsisilbing hamon ang aklat na ito sa mga mag-aaral sa paghubog ng kanilang kamalayan at pagpapahalaga sa malikhaing pagsulat sa wikang Filipino na nakasalig sa malikhain, kritikal, inobatibo, at transpormatibong tunguhin ng edukasyon sa pambansa at pandaigdigang integrasyon sa ika-21 siglo.